TONDALIGAN BEACH SA DAGUPAN, DINARAYO NG MGA PAMILYA PARA MAGPALAMIG; MGA BEACHGOER, PINAG-IINGAT SA MATINDING INIT

Dumarami ang mga turistang dumadayo sa Tondaligan Beach sa Dagupan City upang magpalamig at mag-enjoy kasama ang pamilya sa gitna ng matinding init at maalinsangang panahon.

Kabilang sa mga nagtungo sa naturang baybayin si Migs Kho mula sa Calasiao, Pangasinan, na piniling mag-outing kasama ang pamilya upang makapagpahinga at makaiwas sa init ng panahon.

Samantala, mula pa sa Urdaneta City ang pamilya ni Arvhen Lloyd Simon na dumayo rin sa Tondaligan Beach upang magpalamig at magsaya sa dagat.

Ibinahagi ni Simon na nakaranas na umano ng heatstroke ang isa nilang kamag-anak dahil sa matinding init ng panahon.

Samantala, patuloy ang pagmomonitor at pagbabantay ng mga lifeguard sa baybayin upang matiyak ang kaligtasan ng mga naliligo at maiwasan ang mga insidente sa lugar.

Inaasahan namang mas marami pang pamilya ang bibisita sa Tondaligan Beach para sa pamamasyal at paglalangoy habang nananatiling mainit ang panahon at papalapit ang mga pagdiriwang.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga beachgoer na mag-ingat laban sa dehydration at iba pang sakit na maaaring idulot ng matinding init.

Pinayuhan ang publiko na uminom ng sapat na tubig kahit hindi pa nauuhaw, gumamit ng sunscreen at muling maglagay nito kada dalawang oras o pagkatapos lumangoy.

Ipinayo rin ang pananatili sa lilim at pagpapahinga kapag matindi ang sikat ng araw, gayundin ang pagsusuot ng magaan na damit, sombrero at salaming panangga sa araw upang mabawasan ang direktang epekto ng init.

Binigyang-diin ng PDRRMO na mahalagang sundin ang mga paalalang ito upang matiyak ang ligtas na pamamasyal at maiwasan ang mga panganib sa kalusugan habang nag-e-enjoy kasama ang pamilya at mga kaibigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments