Posibleng malimitahan ang pagdaan ng malalaking truck sa Manaoag, Pangasinan sa mga araw na inaasahang dagsa ang mga deboto, turista at motorista.
Ito ay matapos talakayin sa committee hearing ang panukalang ordinansa na magpapatupad ng truck ban sa mga 8-wheeler truck pataas tuwing Linggo, pista at iba pang espesyal na okasyon.
Sa ilalim ng panukala, hindi papayagang dumaan ang mga sakop na truck mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi sa mga araw na ipatutupad ang restriction.
Pangunahing tinututukan sa panukala ang problema sa pagsisikip ng trapiko sa pilgrimage town, partikular tuwing Linggo kung kailan dumarami ang mga sasakyan at pedestrian na pumupunta sa bayan.
Kasama rin sa isinasaalang-alang ang kaligtasan sa mga pangunahing kalsada dahil nagsasabay ang malalaking truck, pribadong sasakyan, pampublikong transportasyon at mga pedestrian sa panahon ng dagsa ng mga bisita.
Dumalo sa committee hearing ang kinatawan ng Traffic Operations Office upang magbigay ng rekomendasyon kaugnay ng traffic management sakaling maaprubahan ang ordinansa.
Hindi pa pinal ang truck ban dahil patuloy pang pinag-aaralan ang mga detalye ng panukala bago ito sumailalim sa susunod na proseso ng pag-apruba.
Kapag naaprubahan, inaasahang magiging bahagi ito ng traffic management measures ng Manaoag tuwing mga araw na mataas ang volume ng mga sasakyan at bisita sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











