
Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) ang isang kandidato sa pagka-kongresista sa Pasig City kaugnay sa naging biro nito tungkol sa mga babaeng single parent.
Ito ay matapos mag-viral ang naging pahayag ni Atty. Christian “Ian” Sia habang nangangampanya kung saan nagbiro ito sa mga single mom ng lungsod at nag-alok na sumiping sa kaniya.
Batay sa inilabas na show cause order ng Comelec, binigyan ng tatlong araw ang nasabing kandidato para ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat ireklamo ng election offense o kaya ay sampahan ng petition for disqualification.
Sa ilalim kasi ng Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines ng poll body, mahigpit na ipinagbabawal ang gender-based harassment at diskriminasyon sa mga kababaihan.
Sakaling hindi sumagot, nakasaad sa show cause order na magbibigay daan ito upang matuloy ang pagsasampa ng kaukulang reklamo.