Pinalalakas ang kamalayan ng mga kalalakihan sa responsableng pagiging ama, pangangalaga sa pamilya at pagbuo ng ligtas na pamayanan sa pamamagitan ng programang SAFENet for Stronger Families na isinagawa noong Nobyembre 25, 2026, sa Barangay Bonuan Boquig, Dagupan City.
Lumahok sa aktibidad ang mga ama, mister, lolo at iba pang kalalakihan sa komunidad na sumailalim sa mga talakayan hinggil sa pagpapahalaga sa pamilya, mental health awareness, pag-iwas sa pang-aabuso, at mahalagang papel ng kalalakihan sa pangangalaga at proteksyon sa kababaihan at mga bata.
Ibinahagi rin sa programa ang mga serbisyo ng City Women’s Center, gayundin ang mga SAFENet hotline at referral channels na maaaring lapitan ng mga indibidwal at pamilyang nangangailangan ng tulong.
Tinalakay naman ng City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC ang kahandaan sa panahon ng sakuna, kabilang ang wastong paghahanda ng emergency supplies at paggamit ng Go Bag.
Pinangunahan naman ang akitibidad at pagbibigay ng Go Bags ni Vice Mayor Dean Bryan Kua
Dumalo rin sa aktibidad si KATROPA President Jimmy Delin, kasama ang mga opisyal ng Barangay Bonuan Boquig at iba pang kinatawan ng barangay.
Layunin ng SAFENet for Stronger Families na palakasin ang papel ng kalalakihan sa pagpapatatag ng pamilya, pagsusulong ng paggalang, pag-iwas sa karahasan at paghahanda sa mga sakuna tungo sa isang ligtas at matatag na pamayanan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








