Mariing pinabulaanan ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang kumakalat na impormasyon sa social media na umano’y nagbibigay ito ng halagang 10,000 pesos sa mga pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado sa sigalot o digmaan sa Middle East.
Sa inilabas na abiso, nilinaw ng LGU na hindi totoo ang balita at wala itong programa para sa pamamahagi ng pinansyal na ayuda sa nasabing halaga para sa nasabing layunin.
Sa kabila nito, tiniyak ng LGU Bayambang na patuloy itong nakahandang tumulong sa mga OFW sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW), lalo na sa usapin ng repatriation at rescue operations.
Hinimok din ng lokal na pamahalaan ang publiko na maging mapanuri at huwag agad maniwala sa mga impormasyong kumakalat online. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







