
Nakatakdang ilagay sa Yellow Alert ang Visayas Grid mamayang gabi, ayon sa pinakahuling abiso ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Magsisimula ito mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi kung saan pumapatak sa 2,405 megawatts ang available capacity habang ang peak demand naman ay nasa 2,295 megawatts.
Pangunahing dahilan ng abiso ang hindi pag-andar ng ilang malalaking coal plants pati na rin ang limitadong pag-import ng kuryente mula sa Mindanao.
Ayon sa NGCP, 9 na planta ang naka-forced outage ngayong Setyembre bukod pa sa iba pang mga plantang hindi gumagana mula pa noong mga nakalipas na buwan at taon, habang 15 planta ang tumatakbo lamang sa limitadong kapasidad.
Sa kabuuan, umaabot sa 877.5 megawatts ang hindi maipapasok na supply sa grid, dahilan upang maging kapos ang operating margin para sa contingency requirement ng lugar.










