
Cauayan City – Narekober ng mga awtoridad ang unexploded ordnance sa Zone 2, Barangay Dodan, Peñablanca, Cagayan.
Ayon sa ulat, isang 49-anyos na Barangay Kagawad ang nakakita sa kahina-hinalang bagay habang naglalakad malapit sa pampang ng Ilog sa Pinacanauan sa Barangay Dodan.
Agad niya itong iniulat sa mga pulis na mabilis namang tumugon at nakipag-ugnayan sa Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit (PECU) ng Cagayan Police Provincial Office (PPO).
Sa isinagawang inspeksyon, positibong narekober ng Explosive Ordnance Disposal Team ang isang MK2 fragmentation hand grenade na wala nang safety lever.
Agad na isinagawa ang render safe procedure upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente at maiwasan ang anumang insidente.
Matagumpay namang na-neutralize ang nasabing pampasabog at kasalukuyan na itong nasa kustodiya ng Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit para sa tamang disposisyon.