Nagsagawa ng pinagsanib na operasyon ang Urdaneta City Police Station, katuwang ang Land Transportation Office o LTO Region 1, Public Order and Safety Office o POSO ng Urdaneta City, mga opisyal ng barangay, at Civilian Volunteer Organizations o CVOs, upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kahabaan ng Bypass Road sa Barangay Anonas at Barangay Nancayasan, Urdaneta City, Pangasinan.
Kabilang sa isinagawang operasyon ang checkpoint at Oplan Sita na naglalayong paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko, gayundin ang pagsugpo sa ilegal na drag racing, mapanganib na pagmamaneho, at paggamit ng mga tambutso na nagdudulot ng labis na ingay sa komunidad.
Sa naturang operasyon, minonitor ng mga awtoridad ang mga motorista, siniyasat ang mga sasakyan, at tiniyak ang pagsunod ng mga ito sa umiiral na mga batas at regulasyon sa kalsada upang maiwasan ang mga aksidente at iba pang hindi kanais-nais na insidente.
Ayon sa Urdaneta City Police Station, patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensiya at mga opisyal ng komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at mapangalagaan ang kapakanan ng publiko lalo na sa mga papalapit na pagdiriwang tulad ng Undas at Holiday season.
Pinaalalahanan naman ang lahat ng mga nagmamaneho na sumunod sa batas-trapiko, iwasan ang ilegal na karera at padalus-dalos na pagmamaneho, at huwag gumamit ng mga hindi awtorisado o sobrang maingay na tambutso na nakagagambala sa katahimikan ng mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











