Thursday, August 20, 2026

Usec. Castro, nagpaliwanag sa kaniyang pahayag tungkol sa mga guro

Nilinaw ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na wala siyang intensyong insultuhin o maliitin ang mga guro sa kanyang naging pahayag tungkol sa ilang insidente ng maling asal sa mga estudyante.

Pahayag ito ni Castro matapos batikusin ng Alliance of Concerned Teachers ang sinabi niyang may ilang guro na lumalabag sa moralidad at nagtuturo sa mga estudyante ng pagiging walang modo, lalo na sa mga nakatatanda.

Ayon kay Castro, may pinaghuhugutan ang kanyang pahayag, at hindi niya nilalahat ang mga guro at ang tinutukoy lamang ay ang mga indibidwal na lumalabag sa tamang asal.

Naiintindihan ni Castro ang mga gurong nasaktan sa kanyang naging pahayag at nilinaw na pinaaalalahanan lamang aniya niya ang mga ito sa malaking papel nila bilang tagahubog ng asal at values ng mga kabataan.

Sa kabila nito, sinabi ni Castro na wala siyang nakikitang dahilan para humingi ng tawad dahil aniya, ang kanyang pahayag ang nabigyan ng maling konteksto.

Facebook Comments