Thursday, August 20, 2026

Mga ulat na may nasawing security guard at guro sa shooting incident sa loob ng isang paaralan sa Zamboanga City, fake news —SILG

Tinawag na fake news ni SILG Jonvic Remulla ang mga ulat na may nasawi umanong security guards at guro sa shooting incident na nangyari kahapon sa loob ng isang pribadong eskwelahan sa Zamboanga City.

Ito ay kasunod ng mga kumakalat na larawan at balita online na may nasawi umano na iba pa bukod sa mga estudyante.

Paglilinaw ni Remulla, dalawa ang nasawi sa nasabing insidente na kinabibilangan ng Children in Conflict with the Law (CICL) na siyang shooter sa nasabing insidente at ang isang Grade 10 na estudyante.

Habang may may isang grade 10 na estudyante naman ang nasugatan sa nasabing insidente kung saan ito ay nadaplisan ng putok ng baril sa likod na nagresulta sa kanyang pagkakasugat habang ang isa pang Grade 10 na estudyante naman ay naiulat na nahimatay sa kasagsagan ng komosyon.

Samantala, kinumpirma naman ni Remulla na hindi tumalon ang CICL na nasa likod ng nasabing insidente kundi ito ay nagbaril sa kanyang sarili.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente kasama na rito ang lahat ng posibleng anggulo kagaya ng pressured umano ang nasabing CICL sa kanyang grado.

Facebook Comments