VILLASIS RHU,PINAIIGTING ANG TB SCREENING; MGA MAY MATAGAL NA UBO PINAPASURI

Hinikayat ng Rural Health Unit o RHU ng Villasis ang mga residente na samantalahin ang mga libreng serbisyong pangkalusugan at agad na magpasuri, lalo na ang mga nakararanas ng matagal na ubo.

Kabilang dito ang isinagawang libreng chest X-ray screening para sa tuberculosis o TB, kung saan umabot sa 150 residente ang nasuri bilang bahagi ng Active Case Finding program.

Sa bilang na ito, 24 ang nakitaan ng abnormal na resulta sa chest X-ray.

Gayunman, hindi pa ito nangangahulugang may TB ang mga ito dahil kailangan pa nilang sumailalim sa GeneXpert testing para sa karagdagang pagsusuri.

Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Pangasinan Provincial Health Office, dalawang partner organizations, Barangay Health Workers at RHU.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ang publiko, partikular ang mga may ubo nang dalawang linggo o higit pa, na magtungo sa health center upang magpasuri.

Ayon sa lokal na pamahalaan, libre ang gamutan para sa TB sa RHU para sa mga pasyenteng makukumpirmang may sakit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments