Sunday, September 6, 2026

Mga guro, sentro ng halos P1 trilyong budget ng DepEd sa 2027 – DBM

Tiniyak ng Department of Budget and Management na ang mga guro ang pinakamakikinabang sa halos P1 trilyong budget ng Department of Education sa 2027.

Ayon sa DBM, nakapaloob sa panukalang mahigit P975 billion budget ng DepEd ang mas mataas na pondo para sa sahod, benepisyo, career progression at iba pang suporta para sa mga guro.

Kabilang dito ang ikaapat na tranche ng salary increase sa ilalim ng Executive Order No. 64, na katumbas ng average na halos limang porsyentong dagdag sa buwanang sahod ng mga kawani ng gobyerno.

Bukod dito, may mahigit P38 billion din anilang nakalaan para sa mga benepisyo kabilang ang Personnel Economic Relief Allowance, Special Hardship Allowance, teaching overload honoraria at medical allowance.

Mananatili rin ang P10,000 taunang teaching allowance para sa mahigit isang milyon na mga guro.

Samantala, P12 billion ang inilaan para sa Expanded Career Progression Program na inaasahang magbibigay ng pagkakataong ma-reclassify ang 135,063 positions.

Habang may P3 billion para sa training ng DepEd personnel at P840 million para sa mahigit 2,100 dagdag na posisyon, kabilang ang para sa mga non-teaching personnel.

Ayon kay Budget Acting Secretary Kim Robert De Leon, layon nitong mabawasan ang administrative workload ng mga guro upang mas makatuon sila sa pagtuturo.

Facebook Comments