Pormal nang isinabatas ng Pamahalaang Panlalawigan ng La Union ang Volunteerism Code sa ilalim ng nilagdaang ordinansa upang higit pang mapalakas ang partisipasyon ng mga residente sa iba’t ibang programa at inisyatiba ng pamahalaan.
Layunin ng ordinansa na magtatag ng komprehensibong legal framework para sa mas organisado at episyenteng volunteerism program sa lalawigan, kabilang ang pagbuo ng La Union Volunteerism Council (LUVC) na mangangasiwa sa mga polisiya at programa kaugnay ng bolunterismo.
Kasama rin sa mga probisyon ng ordinansa ang pagtatatag ng Volunteerism Local Learning Hub (VLLH) para sa pagsasanay at pananaliksik, gayundin ang Volunteer Focal Point System (VFPS) na ipatutupad sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.
Upang mapadali ang koordinasyon at monitoring ng mga volunteer initiatives, inilunsad din sa ilalim ng ordinansa ang KADUA Volunteerism Program at ang digital platform na KADUA Portal na magsisilbing sentro para sa volunteer registration, resource sharing, at monitoring ng community projects.
Ayon sa Sangguniang Panlalawigan, may inilaan ding panimulang pondo na nagkakahalaga ng P3 milyon para sa implementasyon ng programa.
Nakapaloob din sa ordinansa ang mga hakbang para sa kapakanan ng mga boluntaryo kabilang ang safeguards, support mechanisms, at taunang pagkilala sa pamamagitan ng Localized Search for Outstanding Volunteers (LSOV), kung saan bibigyang-pugay ang mga indibidwal at grupong may natatanging ambag sa serbisyo publiko at community development sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







