Voter registration para sa BSKE sa 2026, plano ng Comelec na buksan ngayong Oktubre

Target ng Commission on Elections (COMELEC) na muling ituloy ang voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026 na magsisimula sa ikatlong linggo ng Oktubre at tatagal hanggang Hulyo ng susunod na taon.

Inaasahan ng COMELEC na aabot sa 1.4 milyong bagong botante ang madaragdag na boboto sa eleksyon.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, mag-iimprenta ang National Printing Office (NPO) ng mahigit 90 milyong balota para sa BSKE na pinakamataas na bilang sa kasaysayan ng COMELEC.

Sa naturang bilang, 69 milyon ang para sa barangay elections, habang 24 milyon naman ang para sa Sangguniang Kabataan.

Dahil muling bubuksan ang voter registration, posibleng umabot sa 95 milyon ang kabuuang bilang ng mga balotang kailangang maimprenta.

Paliwanag ni Garcia, ito ang dahilan kung bakit maagang nagsagawa ng pag-iimprenta ang COMELEC.

Facebook Comments