
Dumating sa Senado ang 18 ex-bodyguards ni dating Cong. Zaldy Co na kasama sa ipinatawag sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Erwin Tulfo.
Kasama ng 18 ex-bodyguards ang kanilang legal counsel na si Atty. Levito Baligod.
Sinundo ni Senator Robinhood Padilla sa baba ng gusali ng Senado ang 18 dating tauhan ni Co.
Nang matanong si Padilla kung sasamahan niya ang mga ito sa pagdalo sa pagdinig, sinabi niyang tatanungin muna niya ang mga ito at aalamin ang kanilang plano.
Samantala, sinabi ni Baligod na narito sila sa Senado upang magsumite ng listahan kay Senate President Alan Peter Cayetano at Blue Ribbon Committee Chair Sen. Pia Cayetano ng dagdag pang mga dating tauhan ni Co na puwedeng ipatawag sa susunod na pagdinig.
Ayon sa kampo, may 14 na pangalan silang maaaring i-subpoena ng Blue Ribbon Committee (BRC) ni Sen. Pia Cayetano, na pawang dating Marines at dating tauhan ni Co, at kung kailangan pa ay may pito pang maaari ring ipatawag.
Sa press conference ng kampo ng 18 dating bodyguards, ipinakita ni Baligod ang isang video kung saan sinasabi ni Sen. Erwin Tulfo na kinikilala pa rin si Senator Alan Peter Cayetano bilang Senate President.
Iginiit din ni Baligod ang kanilang pakay sa pagpunta sa Senado at sinabing hindi nila kinikilala ang imbitasyon ng Blue Ribbon Committee ni Tulfo.
Samantala, bago magtanghali ay sinuspinde “until further notice” ang meeting ng Blue Ribbon Committee ni Sen. Erwin Tulfo.










