
Walang nakikitang conflict ang Malacañang sa pagsasampa ng Department of Justice (DOJ) ng grave threats case laban kay Vice President Sara Duterte kahit nagpapatuloy ang impeachment trial.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, magkaiba ang criminal case at impeachment proceedings.
Ang kaso sa korte ay nakatuon sa posibleng pananagutang kriminal, habang sa impeachment ay sinusuri kung karapat-dapat pa ang isang opisyal na manatili sa puwesto.
Iginiit ni Castro na may ebidensiyang naging basehan ng DOJ sa pagsasampa ng kaso, kabilang ang video ng mga pahayag ng bise presidente na aniya’y nakita na ng publiko.
Dagdag pa ni Castro, sa impeachment proceedings, tinitingnan din ang kakayahan at asal ng isang lider, kabilang ang pagiging agresibo at anger management, bilang bahagi ng pagsusuri kung dapat pa itong mamuno.










