
Nararapat lamang na dagdagan ang sahod ng mga manggagawa sakaling hindi mapigilan ang P10 na dagdag pasahe na inihihirit ngayon ng grupong PISTON sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Ayon sa ilang commuter, halos doble na ang kasalukuyang pasahe sa jeep na P13 kapag naaprubahan ang hirit na P10 na taas pasahe.
Sinabi ni nanay Corazon Parales, 59 years old at isang house keeper na dagdag pasanin ang P10 dahil anim na araw siyang pumapasok sa isang linggo, ibig sabihin nasa P120 ang dagdag sa kanyang pasahe papunta sa trabaho at pabalik sa kanilang bahay.
Kaya kung sakali mang magkaroon ng fare increase at dapat ding magkaroon ng wage hike.
Para naman kay Niel Toras na nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya, sa ngayon pa lamang ay hirap na itong i-budget ang kanyang sahod kaya mas mahihirapan ito kapag tataasan pa ang pasahe.
Araw-araw din itong nagko-commute at pumapasok sa loob ng limang araw sa isang linggo kaya nasa P100 ang mababawas sa kanyang budget at mapupunta sa pamasahe.
Hiling naman ng estudyanteng si Ian Espiña na huwag na silang isama sa hirit na taas pasahe.
Kung maalala, noong isang araw ay inihirit ng grupong PISTON sa LTFRB ang P10 na provisional fare increase dahil na rin sa mataas na presyo ng produktong petrolyo bunsod ng krisis sa Middle East.










