Waiter, Patay nang Masalpok ang Sinasakyang Traysikel

167
Cauayan City, Isabela- Patay ang isang waiter matapos mabangga ng 10-wheeler wing van ang minamanehong traysikel sa kahabaan ng Barangay Nappaccu, Grande, Reina Mercedes, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Vicente Macanas, 23 taong gulang, binata, at residente ng Brgy. Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa PNP Reina Mercedes, habang bumabaybay si Macanas sa lansangan patungong hilagang direksyon sakay ng minamanehong traysikel, bigla na lamang itong binangga ng kasalubong na ten-wheeler wing van na minamaneho naman ni Romeo Diongzon, 39 taong gulang, may-asawa, residente ng Tandang Sora Avenue Quezon City.

Napag-alaman na umagaw umano ng linya ang drayber ng wing van kayat nasalpok nito ang traysikel.

Bumaliktad sa kalsada ang traysikel at nagtamo naman ng malubhang sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang drayber nito na agad isinugod sa ospital ng rumespondeng Rescue 922.

Pero, habang nilalapatan ng lunas si Macanas, binawian din siya ng buhay.



Dinala naman sa himpilan ng PNP Reina Mercedes ang drayber ng wing van na si Diongzon para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments