Walong barangay sa Lungsod ng Cauayan ang pinagkalooban ng bagong mga multi-purpose trucks ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela. Ang mga barangay na tumanggap ng tig-isang bagong multi-purpose truck ay kinabibilangan ng Brgy. San Fermin, District 1, District 2, District 3, Cabaruan, Alicaocao, Tagaran at Turayong. Ipinasakamay ng pamahalaang panlalawigan ang mga nasabing trucks sa mga natukoy na barangay noong disyembre 19, 2022 na ginanap sa harap ng F.L. Dy Coliseum, Rizal Ave., Cauayan City, Isabela. Ang aktibidad ay pinangunahan ni Governor Rodolfo "Rodito" Albano III at Cauayan Mayor, Caesar “Jaycee” Dy Jr. Matatandaan na humiling si Mayor Dy sa pamahalaang panlalawigan ng karagdangang multi-purpose truck para sa mga natitirang walong barangay na hindi pa napamahagian sa Poblacion area. Dahil dito, lahat na ng 65 barangay sa lungsod ay may sarili ng mga multi-purpose trucks.

Nasa mahigit 200 magsasaka ng mais sa Lungsod ng Tuguegarao ang tumanggap ng certified yellow corn seeds mula sa Department of Agriculture (DA) Region 2.

Pinangunahan ni Mayor Maila Ting-Que, kasama sina City Councilor Ronald Ortiz, City Agriculturist Evangeline Calubaquib, Linao East Brgy. Chairman Elmer Langcay at Linao West Brgy. Chairman Gerry Quilang ang distribusyon ng mga binhi sa 145 na magsasaka ng Linao East at 77 na magsasaka ng Linao West.

Inihayag naman ni Mayor Ting-Que ang ilang programa ng LGU para sa sektor ng agrikultura sa susunod na taon tulad ng pagbili ng harvester, tractor at grain dryer para magamit ng mga magsasaka.
Samantala, pinaalalahanan naman ng City Agriculturist Evangeline Calubaquib ang mga benepisyaryo na wag ipagbili ang mga natanggap na binhi sa iba.

Aniya “Not for sale” ang mga certified corn seeds na ibinigay ng DA kung saan may kaukulang parusa ang mapapatunayan na nagbenta ng mga ito at aalisin din ang kanilang mga pangalan sa database ng nasabing tanggapan.

Hinikayat din niya ang mga magsasaka na makipagtulungan sa mga programa ng kanilang tanggapan gaya ng mga pagpupulong na kanilang ipinapatawag, kung saan kadalasan ay kakaunti lamang ang dumadalo rito.

Facebook Comments