Patuloy na pinalalawak ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang mga programang pangkalusugan para sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa mga kwalipikadong residente sa YAKAP at GAMOT Program ng PhilHealth.
Kasabay ng pamamahagi ng libreng PBBM Rice, isinagawa rin ang pagpaparehistro ng mga benepisyaryo upang mas marami pang Dagupeño ang magkaroon ng akses sa mga serbisyong pangkalusugan at mga benepisyong medikal na handog ng pamahalaan.
Sa ilalim ng YAKAP at GAMOT Program, maaaring makinabang ang mga kwalipikadong miyembro ng PhilHealth sa iba’t ibang outpatient health services tulad ng konsultasyon, laboratory services, regular na monitoring, at maintenance medicines.
Kabilang sa mga saklaw ng programa ang mga pasyenteng may altapresyon, diabetes, hika, sakit sa puso, at iba pang chronic illnesses.
Ayon sa mga opisyal ng lungsod, maaaring makatanggap ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng hanggang ₱20,000 halaga ng outpatient medicines upang makatulong sa patuloy na pagpapagamot at pangangalaga sa kanilang kalusugan.
Sa pakikipagtulungan ng City Health Office, patuloy na hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na magparehistro at samantalahin ang mga benepisyong inilalapit sa kanilang komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











