
CAUAYAN CITY- Timbog ang dalawang babae sa isinagawang entrapment operation ng pulisya sa Cauayan City noong ika-22 ng Abril.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas βJaneβ 43 anyos at alyas βLenβ 51 anyos na kapwa residente ng Brgy. Canan, Cabatuan,Isabela at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 2382 at R.A 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela, Cauayan City Component Police Station, katuwang ang Food and Drug Administration (FDA).
Naaktuhan umano ang mga suspek habang nagtuturok ng Botulinum Toxin Type A at Aqua Skin Puregold Ultra sa mga nagpanggap na poseur-customer. Ang naturang mga produkto ay karaniwang ginagamit sa cosmetic procedures ngunit nangangailangan ng wastong lisensya at awtorisasyon mula sa mga kinauukulang ahensya.
Nasamsam mula sa mga suspek ang ilang botelya at box ng nabanggit na mga produkto, mga syringe,tray at iba pang mga cosmetic products hinihinalang ginagamit sa kanilang ilegal na operasyon.
Ang mga nakumpiskang items ay isasailalim sa laboratory examination upang matukoy ang kanilang komposisyon at kaligtasan sa paggamit.
Matapos ang pagkakaaresto ay ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago dinala sa himpilan ng CIDG Isabela para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.










