Umabot sa 183 baril ang napasailalim sa kustodiya ng pulisya habang 25 indibidwal ang naaresto dahil sa paglabag sa mga batas kaugnay ng pagmamay-ari at paggamit ng baril sa Region 1 noong Mayo 2026, ayon sa ulat ng Police Regional Office 1 (PRO 1).
Naitala ang mga resulta sa pamamagitan ng 25 operasyon na isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga loose firearms o mga baril na walang kaukulang dokumento at awtorisasyon.
Sa kabuuang bilang ng mga baril na napasakamay ng mga awtoridad, 22 ang nakumpiska, pito ang nabawi, 132 ang kusang-loob na isinuko ng mga may-ari, at 22 naman ang idineposito sa mga awtoridad para sa wastong pag-iingat at dokumentasyon.
Binigyang-diin ni Acting Regional Director PBGEN Jovencio S. Badua Jr. na mahalaga ang pakikipagtulungan ng mamamayan upang mabawasan ang bilang ng mga loose firearms sa mga komunidad.
Aniya, ang pagbawas sa mga baril na wala sa tamang proseso ay nakatutulong upang mabawasan ang posibilidad ng karahasan at iba pang uri ng kriminalidad.
Samantala, hinikayat ng PRO 1 ang mga may-ari ng baril na sumunod sa umiiral na mga regulasyon at makiisa sa mga programa ng pamahalaan para sa responsableng pagmamay-ari ng baril at mas ligtas na mga komunidad sa buong Region 1. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







