
Cauayan City — Tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto kasabay ng pagbuwag sa isang drug den sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Calamagui, Solana, Cagayan.
Pinangunahan ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Cagayan Provincial Office na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na sina alyas na “Ando,” 37-anyos na siyang umano’y nagpapatakbo ng drug den, alyas “Win,” 38-anyos, at alyas Joe,” 32-anyos.
Nasamsam sa operasyon ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang pitong gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P47,600, buy-bust money, cellphone, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kabilang ang pagbebenta, pag-iingat, at paggamit ng ilegal na droga, gayundin ang pagpapatakbo at pagbisita sa drug den.
Hinikayat naman ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga.










