
Cauayan City – Nangangamba ang mga nag-aalaga ng kambing sa Brgy. San Pablo, Cauayan City, matapos magkaroon ng hiwa-hiwalay na kaso ng pagnanakaw ng kambing sa kanilang barangay.
Sa panayam ng IFM Newsteam kay Eduardo Cariaga, kagawad ng Barangay San Pablo, sinabi nito na muling nagkaroon ng insidente ng pagnanakaw sa kanilang lugar kung saan tinatayang nasa 10 kambing ang natangay ng mga hindi pa nakikilalang mga kawatan.
Ayon sa kanya, bago pa man ang insidente ng pagnanakaw ay gabi-gabi ng rumoronda ang mga barangay tanod, subalit dahil sa lawak ng kanilang barangay ay mayroon pa ring bahagi ng lugar ang hindi nila naiikutan.
Dahil dito, ito umano ang naging target ng mga kawatan sa pambibiktima ng mga alagang hayop.
Samantala, sinisiguro naman ng mga opisyal ng barangay na mas paiigtingin pa nila ang kanilang pagroronda at pagbabantay upang masiguro ang seguridad ng mga mamamayan at maiwasan na maulit pa ang ganitong insidente.










