
Cauayan City – Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Isabela 3rd District Engineering Office ang konstruksyon ng dalawang flood control structures sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela.
Ang unang proyekto ay itinayo sa Barangay Mallalatang Tungui, na may kabuuang haba na 442.40 lineal meters.
Binubuo ito ng dalawang bahagi: isang 23.80-meter na single slope protection at isang 418.60-meter na concrete dike na magsisilbing harang sa pag-apaw ng tubig.
Samantala, isa pang flood control structure ang natapos sa Barangay Dangan, na may habang 392.70 meters.
Ang konkretong dike na ito ay inaasahang makatutulong upang mapigilan ang pagkalat ng baha sa mga kalapit na lugar at komunidad.
Ayon sa DPWH, inaasahang magbibigay ang mga proyektong ito ng karagdagang proteksyon sa mga tahanan at sakahan sa nasabing bayan.
Makakatulong din ito upang mabawasan ang pinsala sa mga ari-arian, kabuhayan, at imprastraktura sa tuwing tataas ang lebel ng tubig dulot ng malalakas na ulan.










