
CAUAYAN CITY-Patuloy na pinaiigting ng National Food Authority (NFA) ang kanilang palay procurement operations sa Tumauini upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga magsasaka at matiyak ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng bigas sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Randy Angeles, Acting Warehouse Supervisor naging mas maayos at mabilis ang pagtanggap ng palay sa Grain Intake Depot (GID).
Layunin ng hakbang na ito na mabigyan ng tiyak at maaasahang pamilihan ang mga magsasaka para sa kanilang ani, lalo na sa panahon ng anihan.
Hinikayat naman ng NFA Isabela ang mga lokal na magsasaka na dalhin ang kanilang palay sa GID Tumauini, kung saan ipinapangako ang patas na presyo at serbisyong may malasakit.
Bukas ang GID Tumauini para sa lahat ng magsasaka na nais magbenta ng kanilang ani, bilang bahagi ng kampanya ng NFA na “Sa Serbisyong Patas at Tapat, Bigas ay Laging Dekalidad.”










