
CAUAYAN CITY- Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱400,000 halaga ng ilegal na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa bayan ng Cabatuan, Isabela nitong ika-6 ng Mayo.
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-5:14 ng hapon nang magsagawa ng monitoring operation ang mga tauhan ng Cabatuan Municipal Police Station (MPS) katuwang ang Regional Intelligence Division 2 (RID 2) at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Isabela Police Provincial Office.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbiyahe ng mga counterfeit o illicit cigarettes gamit ang isang sasakyan na may kasamang motorsiklo na nagsisilbing “sweeper.”
Sa pagpapatrolya ng Cabatuan Police Station sa Brgy. La Paz, napansin ng mga operatiba ang kahina-hinalang galaw ng naturang motorsiklo na agad tumakas nang makita ang paparating na police mobile. Naiwan sa lugar ang mga kontrabando na agad namang sinuri ng mga awtoridad.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang limang daang (500) reams ng GTM Filter Cigarettes na may kabuuang halagang ₱400,000.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis laban sa tumakas na suspek, subalit hindi ito naabutan. Dinala naman sa himpilan ng Cabatuan MPS ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa kaukulang dokumentasyon at imbentaryo.
Nakikipag-ugnayan na rin ang kapulisan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa tamang disposisyon ng mga nasabing produkto, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa ilegal na aktibidad.
Nanawagan naman ang kapulisan sa publiko na maging mapagmatyag at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa komunidad.










