Sunod-sunod na anti-illegal drug operations ang ikinasa ng pulisya sa Binmaley at Dagupan City na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakakumpiska ng milyong halaga ng hinihinalang droga.
Sa Binmaley, nagkaroon ng habulan sa Brgy. Malindong madaling araw kahapon, Mayo 6, matapos tangkaing takasan ng isang 20-anyos na motorista ang police checkpoint sa lugar.
Ayon sa ulat, iniwan umano nito ang kanyang motorsiklo at iniwan ang kanyang 19-anyos na back rider.
Sa pag-inspeksyon, natuklasan ang humigit-kumulang 475 gramo ng hinihinalang marijuana at hybrid liquid marijuana na may halagang ₱1.662 milyon.
Patuloy ang hot pursuit operation laban sa nakatakas na driver habang nasakote naman ang naiwan na angkas nito.
Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Dagupan City, arestado ang isang Regional Priority Target na itinuturing na High-Value Individual, kasama ang kasabwat nito sa Barangay Pantal kahapon..
Ayon sa Dagupan City Police Office, nakumpiska sa buy-bust ang 10.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱71,400, isang .38 caliber revolver na may bala, tricycle at iba pang ebidensya ng operasyon sa droga.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 laban sakanila. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










