
Cauayan City – Umabot sa ₱6.8 milyon halaga ng non-compliant products ang nasamsam ng Department of Trade and Industry-Fair Trade Enforcement Bureau (DTI-FTEB) sa mga probinsya ng Cagayan at Isabela sa loob ng limang araw na inspeksyon.
Sa ilalim ng operasyong tinawag na “Project KALASAG,” anim na pangkat ng FTEB ang nag-inspeksyon sa 542 negosyo sa rehiyon.
Sa bilang na ito, 230 ang natukoy na nagbebenta ng mga produktong dapat may Philippine Standards (PS) o Import Commodity Clearance (ICC) certifications, habang 34 na establisimyento ang nabigyan ng Notice of Violation (NOV) dahil sa hindi pagsunod sa mga regulasyon.
Ayon sa DTI, ang mga produktong walang PS o ICC certification ay maaaring delikado at hindi dumaan sa tamang pagsusuri ng kalidad.
Dahil dito, nagbabala ang ahensya sa mga negosyong lumalabag sa batas at hinimok ang publiko na tiyaking may tamang sertipikasyon ang kanilang binibiling produkto.
Hinimok din ng DTI ang mga negosyante na sumunod sa batas upang maiwasan ang parusa at mapanatili ang patas na kalakalan sa bansa.