Friday, April 24, 2026

𝗞𝗔𝗠𝗣𝗔𝗡𝗬𝗔 𝗞𝗢𝗡𝗧𝗥𝗔 𝗜𝗟𝗘𝗚𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗧𝗢-𝗧𝗥𝗢𝗦𝗢, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗟𝗔𝗟𝗔𝗞𝗔𝗦 𝗡𝗚 𝗗𝗘𝗡𝗥

Cauayan City – Pinalalakas pa ng Department of Environment and Natural Resources Region 2 ang kanilang kampanya kontra ilegal na pagto-troso sa buong lambak ng Cagayan.

Sa panayam ng IFM News Team kay DENR ssistant Executive Regional Director Marcos Dacanay, sinabi nito na hanggang ngayon ay mayroon pa ring mga indibidwal ang nahuhuli ng mga awtoridad dahil sa ilegal na pagto-troso sa mga kagubatan sa iba’t-ibang bahagi ng Rehiyon.

Dahil dito, pinalalakas nila ang kampanya kontra ilegal na pagto-troso sa pamamagitan ng patuloy na koordinasyon sa mga awtoridad, pakikipagtulungan sa mga komunidad lalo na sa mga miyembro ng Indigenous People, at ang pagpapalaganap ng kamalayan sa publiko hinggil sa batas kaugnay rito.

Maliban dito, nag-invest rin sila sa modernong teknolohiya katulad ng aerial drones upang mas malawak ang magagawang monitoring sa lagay ng kabundukan at kagubatan, katulad na lamang ng Sierra Madre.

Isa rin na kanilang hakbang ngayon ay ang paglulunsad ng One Stop Shop Services sa pamamagitan ng programang DENR Express upang mailapit sa publiko ang chainsaw licensing at tree cutting permit, upang maiwasan ang ilegal na pagpuputol ng kahoy.

Patuloy rin na nananawagan ang DENR sa publiko na iwasan ang pagpuputol ng kahoy upang maiwasan ang malalang epekto nito sa kapaligiran lalo na sa aspeto ng climate change at panahon ng sakuna.

Facebook Comments