Friday, September 18, 2026

MGA SOLUSYON SA PAGBAHA AT CLIMATE-RESILIENT INFRASTRUCTURE, TINUTUKAN SA PAKIKILAHOK NG DAGUPAN SA URBAN CLIMATE FORUM SA JAKARTA INDONESIA

Mga posibleng solusyon sa pagbaha at pagpapalakas ng climate-resilient infrastructure ang kabilang sa mga usaping tinututukan ng Dagupan City matapos itong katawanin sa Urban Climate Forum 2026 sa Jakarta, Indonesia nitong Setyembre 16 hanggang 17.

Mahalaga ito sa Dagupan dahil patuloy na hamon sa lungsod ang pagbaha, kasabay ng pangangailangan para sa mas maayos na drainage, imprastraktura at pangmatagalang urban planning.

Inorganisa ng United Cities and Local Governments Asia-Pacific o UCLG ASPAC ang forum na dinaluhan ng local government leaders, national officials, development partners at urban experts mula sa Asia-Pacific.

Kabilang sa tinalakay ang climate resilience, urban mobility, energy transition, solid waste management, housing at sustainable urban governance.

Ayon sa kinatawan ng Dagupan, layunin ng pagdalo na matuto mula sa karanasan at mga programa ng ibang lungsod at matukoy kung alin sa mga ito ang maaaring iangkop sa pangangailangan ng lungsod.

Inaasahang makatutulong ang mga natutunan mula sa forum sa pagpaplano ng mga hakbang ng Dagupan para sa mas matatag na imprastraktura at mas handang komunidad sa epekto ng climate change. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments