
Cauayan City – Pinatawan ng temporary suspencion ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang walong unit ng Pangasinan Five Star Bus, Inc. matapos angnaganap na aksidente sa harap ng isang ospital sa Santiago City, Isabela na ikinasawi ng isang pedestrian noong Hunyo 11.
Batay sa inilabas na kautusan ng LTFRB,30 araw ang ipinataw na suspension sa 8 bus ng nabanggit na kumpanya.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, layunin ng hakbang na matiyak ang pananagutan at kaligtasan ng publiko.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol ang drayber ng bus habang bumibiyahe sa national highway kaya nabangga nito ang isang babaeng pedestrian sa harap ng Santiago City Medical Center at isang kasalubong na pickup vehicle.
Dahil sa tinamong matinding pinsala, nasawi ang pedestrian habang dalawa namang pasahero ng bus ang nasugatan.
Inatasan din ng LTFRB ang kumpanya na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang Certificate of Public Convenience kaugnay ng insidente.
Kasabay nito, pinasailalim sa drug test ang drayber at inatasan ang kumpanya na ipa-inspeksyon ang walong bus upang matiyak ang roadworthiness ng mga ito. Nakatakda ang pagdinig sa Hulyo 7 kung saan tatalakayin din ang naibigay na tulong at insurance sa pamilya ng nasawi at mga nasugatang biktima.










