Friday, August 21, 2026

‎₱3,000 SOCIAL PENSION, IPINAMAHAGI SA MGA KWALIPIKADONG SENIOR CITIZEN SA MANGALDAN

‎Tumanggap ng tig-₱3,000 social pension ang mga kwalipikadong senior citizen sa Mangaldan para sa coverage period na Hulyo hanggang Setyembre.

‎Isinagawa ang pamamahagi noong August 18, 2026 sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at iba pang tanggapan ng lokal na pamahalaan.

‎Kabilang sa mga benepisyaryo sa isinagawang pamamahagi ang mga senior citizen mula sa iba’t ibang barangay, kabilang ang Osiem, Palua, Poblacion, Pogo, Salaan, Salay, Talogtog, Tebag, Alitaya, Amansabina, Anolid at Banaoag.

‎Sa hapon naman, ipinamahagi ang pension sa mga kwalipikadong senior citizen mula sa Bantayan, Bari, Bateng, Buenlag, David, Embacardo, Gueguesangen, Guesang, Guilig at Inlambo.

‎Sa kabuuan, nasa 1,300 indigent senior citizens sa Mangaldan ang rehistrado at kwalipikado sa programa batay sa mga itinakdang pamantayan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

‎Kabilang sa mga kwalipikasyon ang edad na 60 pataas, walang natatanggap na pension mula sa SSS, GSIS, PVAO at iba pang pension-giving agencies, walang permanenteng pinagkakakitaan, walang regular na suportang pinansyal mula sa pamilya o kamag-anak, at nakatala sa Community-Based Monitoring System ng PSA.

‎Bukod sa quarterly social pension, maaari ring maging kwalipikado ang mga benepisyaryo sa Expanded Centenarian Benefits, kabilang ang ₱10,000 cash gift para sa mga senior citizen na aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95.

‎Samantala, makatatanggap naman ng ₱100,000 cash benefit ang mga senior citizen na makaaabot sa edad na 100. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments