Tuesday, September 29, 2026

𝗪𝗔𝗥𝗘𝗛𝗢𝗨𝗦𝗘 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗔𝗟𝗜𝗖𝗜𝗔, 𝗡𝗜𝗟𝗔𝗠𝗢𝗡 𝗡𝗚 𝗔𝗣𝗢𝗬; 𝗠𝗚𝗔 𝗘𝗦𝗧𝗔𝗕𝗟𝗜𝗦𝗛𝗜𝗠𝗜𝗬𝗘𝗡𝗧𝗢, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗔𝗟𝗔𝗟𝗔𝗛𝗔𝗡𝗔𝗡

Alicia, Isabela – Nagpaalala ang Alicia Fire Station sa mga establishimiyento matapos na lamunin ng sunog ang isang warehouse sa Brgy. Magsaysay, Alicia, Isabela noong Lunes ika-28 ng Setyembre.
Sa panayam ng IFM News Team Senior Fire Officer 4 Samuel Domingo, Fire Marshal ng Alicia Fire Station, umabot sa second alarm ang nabanggit na sunog dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Aniya, naglalaman ang warehouse ng flammable materials katulad na lamang ng pintura, butane, at barnis, na siyang isa sa dahilan ng mabilis na pagkalat nito.
Umabot sa 7 firetrucks mula sa mga karatig na fire stations at fire volunteers ang nagamit sa pag-aapula ng apoy. Tinatayang higit 4 na oras rin ang ginawang pag-aapula ng mga bumbero bago ito tuluyang maideklarang fire out.
Ayon din kay SFO4 Domingo, lumalabas sa kanilang initial investigation na posibleng nagmula ang apoy sa isinasagawang welding works sa lugar. Gayunman, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng BFP hinggil dito, kabilang na ang kabuuang halaga ng natupok ng apoy.
Samantala, bilang pag-iingat ay nagpaalala rin ang BFP Alicia sa mga establisyemento na tiyaking ligtas ang pag-iimbak ng mga flammable materials at mahigpit na sundin ang mga fire safety requirements.
Ito ang unang insidente ng sunog sa bayan ng Alicia ngayong buwan ng Setyembre, base sa datos ng Alicia Fire Station.
Facebook Comments