
CAUAYAN CITY-Patuloy na pinaiihting ng Department of Agriculture–Agribusiness and Marketing Assistance Division (DA-AMAD) pagbibigay ng one-month toll fee exemption sa mga rehistrado at akreditadong truckers at transporters ng agri-fishery products sa ilalim ng Food Lane Project sa Rehiyon Dos.
Batay sa pinakahuling datos, mula Abril 20 hanggang Abril 28, 2026, umabot na sa 99 ang bilang ng mga Food Lane accredited trucks sa Lambak ng Cagayan. Nauna rito, siyam na truck ang na-accredit noong Abril 19—isang araw bago opisyal na ipatupad ang libreng toll fee.
Samantala, nananatiling aktibo ang 159 na truck na na-accredit noong 2024, na inaasahang magtatapos ang bisa ngayong 2026. Dagdag pa rito ang 45 truck na na-accredit noong 2025 na mananatiling balido hanggang 2027.
Sa kabuuan, pumalo na sa 303 ang bilang ng mga akreditadong truck sa buong Rehiyon Dos, patunay ng patuloy na pagtangkilik at pakikilahok ng mga transporter sa programa.
Hinikayat naman ng DA-AMAD ang iba pang truckers at transporters na magparehistro sa Food Lane Project upang makinabang sa mga insentibo tulad ng toll fee exemption. Maaaring magsagawa ng online registration sa opisyal na website ng programa at kumpletuhin ang kinakailangang impormasyon sa online form.










