
Inaprubahan na ng Commission on Elections (Comelec) En Banc ang pagtaas ng service credits ng mga tauhan ng gobyerno na magbibigay ng serbisyo para sa 2025 midterm elections.
Mula limang araw, gagawin na ito hanggang sampung araw kung saan sa Republic Act 10756 o ang Election Service Reform Act Law, pinapayagan ang pagbibigay ng karagdagang service credits sa mga guro at civil service workers na magseserbisyo bilang mga Electoral Board (EB), Department of Education Supervisor Official (DESO) at support staff na magtatrabaho sa eleksyon.
Sa kabila nito, sinabi ng Law Department na ang mga dagdag na kredito ay dapat na naaayon sa mga alituntunin sa leave privileges.
Inirekomenda rin nito ang isang pagpupulong sa Civil Service Commission (CSC) at Department of Education (DepEd) upang talakayin ang pagkalkula at aplikasyon ng mga kredito.
Sa pinakahuling datos mula sa Comelec, nakatakdang sanayin ang mahigit 186,000 guro para magsilbing electoral board members para sa 2025 midterm elections.
Sasanayin din ang hindi bababa sa 7,000 pulis upang palitan ang mga guro na nakatakda mula March 3 hanggang March 31, 2025.