Wednesday, July 29, 2026

Kauna-unahang Energy Museum sa bansa, binuksan para ihanda ang susunod na henerasyon sa sektor ng enerhiya

Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kauna-unahang Energy Museum sa Pilipinas.

Ayon sa pangulo, layunin nitong palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa enerhiya, habang inihahanda ang susunod na henerasyon para sa mas malinis, mas matatag, at mas ligtas na kinabukasan ng sektor ng enerhiya sa bansa.

Matatagpuan ang museo sa Department of Energy (DOE) Energy Center sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.

Tampok dito ang mga interactive exhibit tungkol sa kasaysayan ng enerhiya, renewable energy, nuclear technology, Malampaya natural gas project, at iba pang pinagkukunan ng kuryente sa bansa.

Kasabay ng pagbubukas ng museo ang pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), ang batas na nagbukas sa kompetisyon sa power sector, at naglalayong mapababa ang presyo ng kuryente.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ang Energy Museum ang unang hakbang sa plano ng DOE na magtayo ng Energy Center for Excellence bilang sentro ng pag-aaral, pananaliksik, at inobasyon sa sektor ng enerhiya.

Target din nitong mahikayat ang mas maraming kabataang Pilipino na tahakin ang mga propesyong may kaugnayan sa agham at enerhiya.

Facebook Comments