10 pulis ng QCPD, iniimbestigahan dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang oplan “galugad”

Iniimbestigahan ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang sampung pulis ng police station 14 matapos na masangkot sa umano’y iregularidad na oplan galugad sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Batay sa nakarating na report sa NCRPO, nagkasa ng oplan “galugad” ang naturang mga pulis noong Abril 12, 2025 kung saan limang indibidwal ang kanilang inaresto.

Batay sa resulta ng isinagawang validation ng mga awtoridad noong Abril 22, natuklasan na may nakuhang isang handbag sa operasyon na naglalaman ng pinaghihinalaang tuyong dahon ng marijuana.

Ngunit sa halip na kasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga naarestong suspek, tanging kaso lamang na may kaugnayan sa ilegal na pagsusugal ang isinampa ng mga umarestong pulis.

Hindi rin umano kasama sa documentation, inventory at turn over sa crime lab ng mga sangkot na pulis ang naturang ebidensyang marijuana.

Dahil dito ay inilipat sa district personnel holding and accounting section ang mga sangkot na pulis at isinailalim sa restrictive custody kung saan apat sa sampu na ang nasa kustodiya ng pulisya.

Facebook Comments