Nagtulungan ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang at ang 77 barangay nito sa paghahakot at pamamahagi ng 100,000 kilo ng bigas para sa mga kwalipikadong senior citizen sa Bayambang, Pangasinan.
Bahagi ito ng limang-milyong pisong programa sa ilalim ng Local Government Support Fund – Financial Assistance to Local Government Units o LGSF-FALGU, na naglalayong magbigay ng tulong sa mga nakatatanda.
Sa ilalim ng programa, bawat kwalipikadong senior citizen ay nakatakdang makatanggap ng tig-10 kilo ng bigas.
Upang matiyak ang mabilis at maayos na distribusyon, sagot ng pamahalaang bayan at ng mga barangay ang mga gastusin sa paghahakot at paghahatid ng mga sako ng bigas sa mga benepisyaryo.
Direkta namang binili ang mga bigas mula sa mga akreditadong kooperatiba at asosasyon ng mga lokal na magsasaka, alinsunod sa layunin ng Sagip Saka Act na suportahan ang mga magsasaka at palakasin ang kanilang kabuhayan.
Sa pamamagitan ng koordinasyon ng LGU at ng 77 barangay, layunin ng programa na maiparating sa mga kwalipikadong senior citizen ang nakalaang tulong sa buong Bayambang. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










