
Kinalampag ng 11 grupo, sa ilalim ng SANLAKAS Labor Coalition, maging ng mga construction worker malapit sa gusali, ang Pasig City Regional Trial Court (RTC) ngayong Lunes ng umaga, August 3.
Ito ay para ipanawagan na ibasura ang Temporary Restraining Order o TRO na inisyu ng RTC Branch 152 ng Pasig kaugnay ng napurnadang P85 wage increase para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Mariing giit ng mga grupo, hindi regalo ang P85 na umento sa sahod ng mga manggagawa, dahil ito umano ay karapatan nila na suportado ng ebidensya at proseso ng batas.
Pakinggan natin ang pahayag nina Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando at Secretary General ng Kilusang Mayo Uno na si Jerome Adonis.
Samantala, naresibe naman na ng nasabing RTC ang motion for intervention na inihain ng grupo at diretso din umanong isinama ang kanilang representante sa pagdinig ngayong Lunes, August 3.
Sa kabilang banda, bantay sarado naman ng mga pulis ang gusali ng RTC habang nagkakasa ng mapayapang kilos-protesta ang mga grupo.










