
Magkakaroon ng malawakang power service interruption sa ilang bahagi ng Pangasinan nitong Sabado, Hulyo 25, matapos mag-abiso ang Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) ng pansamantalang pagkawala ng kuryente dahil sa isasagawang malawakang maintenance at improvement works sa mga pasilidad ng transmisyon.
Ayon sa koorperatiba, ipatutupad ang pagkawala ng suplay ng kuryente mula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa mga lugar na saklaw ng pangunahing electrical works, habang ang ilang lugar naman ay makararanas ng interruption mula alas-7 hanggang alas-8 ng umaga at alas-5 hanggang alas-6 ng gabi kaugnay ng switching operations.
Ito umano ay dahil sa paglilipat ng 69kV transmission line poles sa San Carlos–Malasiqui 69kV line segment, pagpapalit ng pinaghihinalaang may tagas na suspension insulator, paglalagay ng post insulator, at pagsasaayos ng tap settings sa Malasiqui at Bayambang substations.
Kasama rin sa isasagawang aktibidad ang right-of-way clearing sa bahagi ng Balingueo hanggang Bayambang 69kV line, gayundin ang mga kinakailangang switching operations ng CENPELCO at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa load shifting at paghihiwalay ng linya.
Kabilang sa mga lugar na makararanas ng power interruption ang buong bayan ng Alcala, Bautista, Bayambang, Basista, at Malasiqui.
Apektado rin ang ilang bahagi ng San Carlos City, kabilang ang mga lugar na Magtaking, Turac, Paitan Panoypoy, Payapa, Lilimasan, Coliling, Sapinit, Tarectec, Cobol, Longos, Palospos, at Balite Sur; gayundin ang ilang barangay sa Urbiztondo at Mangatarem.
Sa ikalawang iskedyul ng interruption, kabilang naman ang buong mga bayan ng Bugallon, Aguilar, Mangatarem, Lingayen, at Binmaley, gayundin ang iba pang bahagi ng Urbiztondo at ang buong San Carlos City maliban sa mga lugar na hindi saklaw ng advisory.
Pinayuhan ng CENPELCO ang mga residente, negosyo, at iba pang consumer na gumawa ng kinakailangang paghahanda, lalo na ang mga umaasa sa kuryente para sa operasyon ng kanilang kabuhayan at kagamitan.
Ipinaliwanag ng kooperatiba na ang pansamantalang pagkawala ng kuryente ay bahagi ng mga hakbang upang mapanatili at mapahusay ang kapasidad at katatagan ng power system sa mga apektadong lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










