13 Pinoy mula Ukraine, pauwi na ng Pilipinas

Pabalik na ng Pilipinas ang 13 Overseas Filipino Workers (OFWs) galing Ukraine.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Philippine Ambassador to the Republic of Poland Ambassador Leah Basinang-Ruiz na ito na ang ikalawang batch ng OFWs na mapapauwi ng bansa mula sa Ukraine na balot ngayon ng tensyon.

Ayon kay Ambassador Ruiz ang mga ito ay sinalubong pa mismo ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin sa Warsaw Poland.


Aniya mula Kiev, ibinyahe ang OFWs patungong Lviv at tumawid ng border pa-Poland upang ma-repatriate pabalik ng Pilipinas.

Sagot aniya ng gobyerno ang transportation, food & accommodation ng mga ito maging ang kanilang RT-PCR test at flight ticket pabalik ng bansa.

Una nang napauwi ang anim na mga Pinoy mula Ukraine habang sa ngayon ay inaayos at isinasapinal na nila ang ikatlong repatriation flight.

Sumatotal, nasa 215 aniya ang mga Pinoy sa Ukraine at handa sila asistehan ang mga ito sa oras na magdesisyon silang bumalik ng Pilipinas.

Facebook Comments