Tuesday, June 2, 2026

Ilang kongresista, umapela sa mga senador na magkasundo na

Umaasa ang mga kongresista na mapaplantsa na ng mga senador ang gusot sa pagitan ng mayorya at minorya upang magkaroon na ng quorum at magkapagsagawa na sila ng plenary session.

Para kay House Deputy Speaker at La Union Representative Paolo Ortega, nakakalungkot ang alitan sa pagitan ng mga Senador lalo’t dalawang araw na lang bago mag-sine die adjourment kung saan maraming mga nakabinbing panukalang batas ang dapat maipasa.

Dagdag pa ni Ortega, hinihintay din ng taumbayan ang pagsasapinal ng calendar o schedule para sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Giit naman ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, mahalagang magkaayos ang mga senador para makamit ang kailangang quorum sa kanilang session at magampanan ang kanilang trabaho.

Binanggit ni Ridon na kailangan din ang quorum ng mga senador para sa pagganap nito bilang impeachment court.

Facebook Comments