Tuesday, June 2, 2026

MAHIGIT P25.8 MILYONG MULTA NAKOLEKTA SA ILOCOS REGION

Umabot sa mahigit P25.8 milyon ang nakolektang multa ng Police Regional Office 1 (PRO 1) matapos mahuli ang 60,711 lumabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa sa buong Ilocos Region mula May 1 hanggang 31, 2026.

Batay sa tala ng PRO 1, karamihan sa mga nahuling paglabag ay may kaugnayan sa mga municipal traffic ordinances na umabot sa 52,366 kaso.

Kabilang din sa mga naitalang paglabag ang pag-inom at paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, paglalakad sa lansangan nang hindi naaangkop ang kasuotan, paggamit ng karaoke lampas sa itinakdang oras, pagharang sa mga road clearing operations, at paglabag ng mga menor de edad sa curfew ordinance.

Sa kabuuang bilang ng mga lumabag, 54,281 ang pinatawan ng multa habang 6,430 naman ang binigyan ng babala o pinalaya alinsunod sa umiiral na mga ordinansa at kaukulang proseso.

Binigyang-diin ng tanggapan na higit pa sa pagkolekta ng multa, layunin ng operasyon na mahubog ang disiplina, pananagutan, at pakikiisa ng mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa kanilang mga komunidad.

Samantala, tiniyak ng PRO 1 na magpapatuloy ang kanilang mas pinaigting na operasyon at pagpapatupad ng mga ordinansa upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, mapahusay ang kaligtasan sa lansangan, at maisulong ang mas maayos at disiplinadong mga pamayanan sa buong Ilocos Region. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments