
Inilagay na sa alarma ng Land Transportation Office (LTO) ang SUV na 307 na beses na dumaan sa EDSA busway simula noong 2022.
Kasabay nito, naglabas ng show cause order si LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II sa may-ari ng Montero Sport, na isang residente ng Quezon City.
Kasunod na rin ito ng naging rekomendasyon ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Chairman Don Artes sa LTO na bawian ng lisensya ang driver ng SUV dahil sobra-sobra na ang paglabag nito .
Inatasan ni LTO- Intelligence and Investigation Division (IID) Chief Renante Melitante ang may-ari ng SUV na iharap ang driver at isumite ang paliwanag kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusa dahil sa maraming paglabag, gaya ng multiple disregard of traffic sign at obstruction of traffic for the driver.
Posibleng ideklara din ito na Improper Person to Operate a Motor Vehicle sa ilalim ng Section 27 (a) ng R.A. 4136.
Habang ang may-ari ng sasakyan ay maaring maharap sa kasong paglabag sa Compulsory Registration ng Motor Vehicles sa ilalim ng Section 5 ng RA4136.
Na-monitor ng Artificial Intelligence (AI) driven CCTVs na mula Agosto 2024 hanggang Mayo 2025 na dumaan ang nasabing motorista ng 307 beses sa busway, partikular sa panahong kung kailan suspendido pa ang No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Habang mula Mayo 26 hanggang ngayong buwan lamang, nakapagtala ito ng siyam na beses na paglabag dahil sa pagdaan nito sa busway.