2 Patay, 1 Sugatan sa Salpukan ng Traysikel at Truck!

1061

*Cauayan City, Isabela- *Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang drayber ng traysikel at isa nitong pasahero matapos sumalpok sa kasalubong na trak sa pakurbadang bahagi ng pambansang lansangan sa Barangay Malalam, Ilagan City, Isabela.

Ang nasawing magkamag-anak ay nakilalang sina Renelito Tacac, 34-anyos, binata at Celso Ferrer nasa tamang edad, magsasaka habang sugatan naman si Larry Limon, 25-anyos, binata na kapwa residente ng Cabisera 6-24 San Antonio, Ilagan City, Isabela.


Nakilala naman ang suspek at drayber ng Isuzu Forward Truck na si Jaybee Boy Gambol, 25-anyos, may-asawa at residente ng Barangay Labinab, Ilagan City, Isabela.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Lt.Col.Arnulfo Ibañez, hepe ng PNP Ilagan City, patungong Tuguegarao City ang nasabing trak na naglalaman ng mga panindang damit at grocery items habang patungo naman sa bayan ng Gamu, Isabela ang traysikel.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay hindi umano nakontrol ni Tacac ang manibela ng kanyang minamanehong traysikel hanggang sa dumako sa kabilang linya na dahilan ng kanyang pagsalpok sa paparating na truck.

Nagtamo ng matinding sugat sa katawan at ulo sina Tacac at Ferrer na isinugod pa sa pagamutan subalit binawian din sila ng buhay.

Habang si Limon ay makakalabas sa ospital ano mang oras ngayon dahil galos lamang ang tinamong sugat.

Dinala na sa himpilan ng pulisya si Gambol maging ang dalawang sangkot na behikulo para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments

From Advertisers