2 SAKAY NG MOTORSIKLO, SUGATAN MATAPOS MABANGGA NG 10-WHEELER TRUCK

Cauayan City, Isabela- Sugatan ang dalawang mag-agkas matapos mabangga ng 10-wheeler truck ang likurang bahagi ng kanilang sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng pambansang lansangan na sakop ng Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Nakilala ang mga biktima na sina Noel Regacho Jr., 22 taong gulang, may-asawa at back rider nitong si Jessa Regacho, 23 taong gulang, may-asawa at parehong residente ng bayan ng Naguilian, Isabela.

Habang ang drayber naman ng isang Isuzu 10-Wheeler truck ay nakilalang si Amado Panganiban, 50 anyos, may-asawa at residente naman ng Brgy. Minanga Proper, Angadanan, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan, parehong bumabaybay sa kalsada ang truck at motorsiklo na minamaneho ni Noel Regacho patungong Hilagang direksyon at nang sila’y makarating sa pinangyarihan ng insidente ay nag-slow down ang motorsiklo dahil sa madulas na dinadaanan.

Nang mag-slow down ang motorsiklo ay dito naman nabangga ng sumusunod na truck ang likurang bahagi ng motorsiklo na dahilan ng pagbagsak ng dalawang biktima sa kalsada.

Nagtamo ng sugat sa katawan ang dalawang biktima na agad namang dinala ng Rescue 922 sa ospital para malapatan ng agarang lunas.

Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang drayber ng truck maging ang dalawang nasangkot na behikulo para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments