
Duda si outgoing Senate Minority Leader Koko Pimentel na maaaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang muling pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Disyembre.
Sinabi ni Pimentel na batay sa kanyang pagkakaalam ay gusto ni Pangulong Marcos na matuloy ang BSKE ngayong taon.
Ito aniya ay base sa huling meeting ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) na kanyang dinaluhan.
Sa pagkakataong ito aniya ay nasa kamay na ni PBBM ang magiging kapalaran ng panukalang suspension ng BSKE.
Naniniwala rin si Pimentel na constitutional ang inaprubahan nilang panukala matapos na sabihin ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal na unconstitutional ang panukala dahil sa unang desisyon ng Korte Suprema na labag sa saligang batas ang 2022 BSKE Postponement Law (RA 11935).
Giit ni Pimentel, hindi sila nagpapasa ng unconstitutional law at ng isang panukalang batas na tingin nila ay ibi-veto ng Pangulo.