Mga naaresto dahil sa paglabag sa gun ban nasa mahigit 2,600 indibidwal, pagpapatupad ng nationwide gun ban hanggang ngayong araw na lamang

Pumalo na sa 2, 631, ang mga indibidwal na dinakip ng Philippine National Police (PNP) nang dahil sa paglabag sa umiiral na gun ban na sinimulang ipatupad noong August 28 sa bansa dahil sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Batay sa datos ni PNP-Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, bukod sa malaking bilang ng mga naaresto, umabot na rin sa 2,054 na mga armas ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Nasa 2,725 na mga baril ang idineposito para sa safekeeping at 2,208 naman ang kusang isinuko.


Samantala, nakapagtala ang PNP ng 330 incidents bago at pagkatapos ng BSKE.

Mula sa nabanggit na bilang, 104 sa mga ito ang may kaugnayan sa katatapos lang na eleksyon, habang 219 ang non-election related incidents at 7 ang suspected election-related incidents.

Ang pagpapatupad ng nationwide gun ban ay iiral hanggang ngayong araw na lamang, November 29, 2023.

Facebook Comments