Tuesday, May 12, 2026

Kampo ni Sen. Dela Rosa, nagpasaklolo muli sa Supreme Court matapos ang tangkang pag-aresto sa kaniya sa Senado kahapon

Naghain ang kampo ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ng “Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion” sa Korte Suprema.

Ito ay kaugnay ng umano’y tangkang pag-aresto laban kay Dela Rosa sa loob mismo ng Senado kahapon.

Sa isang pahayag, sinabi ng law firm na Torreon and Partners, na nagtangka umano ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na pigilan si Dela Rosa na makapasok sa Senate Session Hall habang nasa sesyon ang Senado kahit wala umanong warrant na inilabas ng korte sa Pilipinas.

Ayon sa kampo ng senador, patunay umano ito na hindi na “speculative” o haka-haka ang kanilang kinatatakutang pag-aresto kaugnay ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Tinawag din nila itong isang direktang panghihimasok ng Executive Branch sa Senado bilang “co-equal constitutional body.”

Iginiit ng kampo ni Dela Rosa na hindi maaaring arestuhin o isuko ang isang Pilipino sa dayuhan gaya ng ICC nang walang proseso at pahintulot mula sa korte ng Pilipinas.

Kinuwestyon din nila ang pagdadala umano ni dating senador Antonio Trillanes IV ng kopya ng ICC warrant sa Senado lalo’t isa naman daw siyang pribadong indibidwal at walang awtoridad para gamitin o ipatupad ang dokumento laban sa senador.

Facebook Comments